Matemátiká[1][a] ang larangan ng kaalaman na pangunahing nakatuon sa mga bilang, komputasyon, pormula, estraktura, hugis, espasyo, kantidad, at ang mga pagbabago nito. Dahil sa lawak ng saklaw ng larangan, wala itong napagkakasunduang isang tiyak na kahulugan, bagamat may mga matematiko at akademikong nagsubok na bigyang-kahulugan ito sa kasaysayan. Ang modernong matematika ay nahahati sa mga pangunahing sangay na kinabibilangan ng teorya ng bilang, alhebra, heometriya, at pagsusuri. Itinuturing ito bilang isang napakahalagang larangan kung saan nakaangkla ang ibang mga larangan, tulad halimbawa ng likas na agham, inhinyera, medisina, pananalapi, agham pangkompyuter, at agham panlipunan. Bagamat ginagamit ang larangan sa pagmomodelo sa mga penomena, hiwalay sa mga maagham na teorya at eksperimento ang mga pangunahing katotohanan ng matematika. May ilang sangay na nadebelop upang magamit sa ibang mga larangan, tulad ng estadistika at teorya ng laro, at madalas na ginugrupo sa ilalim ng matematikang nalalapat. Samantala, may mga sangay naman na hiwalay na nadebelop nang walang gamit sa simula, at ginugrupo sa ilalim ng purong matematika, bagamat kalauna'y nakahanap rin ang mga ito ng paggamit dahil sa samu't saring dahilan, tulad ng pag-usad ng teknolohiya.
Sentro sa mga gawain sa matematika ang paghahanap sa mga katangian ng mga basal na bagay (Ingles: abstract objects) gamit ang pagdadahilan upang patunayan ang mga ito. Madalas ito ay isang likas na kabasalan, o di kaya'y mga entidad na itinuturing na may mga partikular na katangian o mga aksoma. Patunay ang tawag sa mga resultang ginamitan ng sunod-sunod na paglalapat ng mga tuntunin sa imperensiya upang masabing totoo nga ito. Kasama sa mga resultang ito ay ang mga napatunayan na'ng teorema, aksoma, at ilang mga panimulang katangian na kinilala bilang mga tunay na simulain sa paggawa ng teorya.
Mga Griyego ang nagpasimula sa paggamit ng mga patunay sa matematika. Pinakasikat sa mga patunay ng matematikang Griyego ang Mga Elemento ni Euclides. Simula pa noon, hinahati na ang matematika sa dalawang sangay: heometriya at aritmetika. Nagbago ito simula noong ika-16 na siglo, nang sinama ang alhebra at kalkulo. Mula sa puntong yon, naging madalas na ang paggamit ng matematika upang makagawa ng mga pagtuklas sa agham. Naging sentro ng debate noong ika-19 na siglo ang mga haligi ng matematika, na nagbigay-daan upang mabuo ang sistemang aksomatiko. Sa modernong panahon, kasalukuyang kinilala ng Mathematics Subject Classification ang 60 larangan bilang mga pangunahing sangay ng matematika.[3]
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
<ref>
tag;
walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang maugnayin
); $2{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Maling banggit (May <ref>
tag na ang grupong "lower-alpha", pero walang nakitang <references group="lower-alpha"/>
tag para rito); $2